Kasunduan sa Reseller ng Google Domain

Huling binago: Hulyo 25, 2023

  • Ang Kasunduan sa Reseller ng Domain na ito (ang "Kasunduan") ay pinapasok sa pagitan mo, ng entity o taong sumasang-ayon sa Kasunduang ito ("Customer" o "ikaw"), at ng Google. Nakasaad ang kahulugan ng "Google" sa https://cloud.google.com/terms/google-entity. Ang anumang pagbanggit ng "kami," "namin" o "amin" sa Kasunduang ito ay tumutukoy sa Google. Pinapangasiwaan ng Kasunduang ito ang pag-resale ng Google sa mga serbisyo sa pagpaparehistro ng domain name ("Mga Serbisyo sa Domain") na ibinibigay ng naaangkop na third-party na registrar na tinukoy sa panahon ng iyong pagbili o pag-renew ("Registrar").

    • 1. Mga Serbisyo sa Domain.

      • 1.1 Reseller ng Mga Serbisyo sa Domain. Itinatakda ng Kasunduang ito ang mga tuntuning sinusunod ng Google sa pag-resell ng access sa Mga Serbisyo sa Domain bilang isang awtorisadong reseller ng Registrar. Bilang reseller, hindi kumikilos ang Google bilang isang registrar para sa anumang domain name pero puwede itong magsagawa ng ilang partikular na function o serbisyo sa ngalan ng Registrar.

      • 1.2 Mga Tuntunin ng Registrar. Ang Mga Serbisyo sa Domain ay ibibigay ng Registrar. Ang lahat ng pag-access at paggamit ng Mga Serbisyo sa Domain ay nasasaklawan ng at napapailalim sa mga naaangkop na tuntunin at kundisyon ng Registrar. Dapat sumunod ang Customer, at sumang-ayon siyang mapailalim, sa mga tuntunin at kundisyon na iyon. Hindi partido ang Google sa iyong kasunduan sa anumang Registrar at hindi ito magkakaroon ng sagutin para sa pagganap ng Registrar.

      • 1.3 Patakaran sa Privacy ng Registrar. Tinatanggap ng Customer na ibibigay ng Google ang pangalan at mga detalye sa pakikipag-ugnayan ng Customer sa Registrar bilang bahagi ng pagpaparehistro ng domain name. Ang pagpoproseso ng Registrar sa impormasyong iyon ay napapailalim sa mga naaangkop na patakaran sa privacy nito.

    • 2. Mga Pagbabayad.

      • 2.1 Pagsingil; Mga Pagbabayad. Kapag kinumpleto mo ang iyong pagbili, kakailanganin mong bilhin ang Mga Serbisyo sa Domain, kabilang na ang lahat ng naaangkop na buwis, para sa taunang billing period. Puwede mong bayaran ang Mga Serbisyo sa Domain gamit ang isang credit card, debit card, o gamit ang iba pang paraang nakalagay sa page sa pag-order. Ang lahat ng dapat bayaran ay nasa U.S. dollars, maliban na lang kung iba ang nakasaad sa page sa pag-order. Maliban na lang kung kakanselahin mo ang iyong pag-renew gaya sa inilalarawan sa Seksyon 2.3 (Pagkansela ng Pag-renew), sa pagtatapos ng bawat taunang billing period, awtomatikong magre-renew ang iyong pagbili ng Mga Serbisyo sa Domain para sa mga karagdagang taunang billing period at sisingilin ka ng Google para sa kasalukuyang bayarin sa panahong iyon para sa pag-renew kapag kailangan na ng naturang pagbabayad. Hindi na mababago ang lahat ng pagbabayad at hindi magbibigay ang Google ng anumang refund.

      • 2.2 Mga Pagbabago sa Presyo. Nakalaan sa Google ang karapatang baguhin (ibig sabihin, taasan o babaan) ang singil para sa Mga Serbisyo sa Domain paminsan-minsan. Ang anumang pagbabago sa mga bayarin ay malalapat lang sa susunod na pagbabayad na sisingilin mula sa iyo kasunod ng makatuwirang pagbibigay sa iyo ng abiso.

      • 2.3 Pagkansela ng Pag-renew. Dapat kang magkansela sa loob ng hindi bababa sa 5 business days bago ang pagtatapos ng iyong billing period para maiwasang masingil para sa susunod na panahon ng pag-renew. Puwede kang magkansela sa pamamagitan ng Admin Console. Kung magkakansela ka, hindi ka makakatanggap ng refund para sa mga bayaring nabayaran mo na, pero, nang napapailalim sa Kasunduang ito at sa mga naaangkop na kasunduan ng Registrar, patuloy kang magkakaroon ng access sa Mga Serbisyo sa Domain hanggang sa matapos ang iyong kasalukuyang billing period.

    • 3. Kumpidensyal na Impormasyon.

      • 3.1 Mga Kahulugan.

        • 3.1.1. Tumutukoy ang "Kumpidensyal na Impormasyon" sa impormasyong inihahayag ng isang partido (o ng affiliate) sa kabilang partido sa ilalim ng Kasunduang ito, at minarkahan bilang kumpidensyal o karaniwang maituturing na kumpidensyal na impormasyon sa partikular na sitwasyong ito. Hindi kasama rito ang impormasyon na hiwalay na binuo ng recipient, makatarungang ibinigay ng isang third party sa recipient nang walang obligasyon sa pagiging kumpidensyal, o naging pampubliko nang hindi kasalanan ng recipient.

        • 3.1.2. Tumutukoy ang "Legal na Proseso" sa request sa paghahayag ng impormasyon na isinasagawa sa ilalim ng batas, regulasyon ng pamahalaan, utos ng hukuman, subpoena, warrant, o iba pang valid na awtoridad ng batas, legal na pamamaraan, o katulad na proseso.

      • 3.2 Mga Obligasyon. Gagamitin lang ng recipient ang Kumpidensyal na Impormasyon ng partidong naghahayag para maipatupad ang mga karapatan ng recipient at maisagawa ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Kasunduan, at magsasagawa ito ng makatuwirang pag-iingat para maprotektahan laban sa pagkakahayag ang Kumpidensyal na Impormasyon ng partidong naghahayag. Puwede lang maghayag ng Kumpidensyal na Impormasyon ang recipient sa mga affiliate, empleyado, ahente, o propesyonal na tagapayo nito ("Mga Pinaglaanan") na may pangangailangang makaalam nito at sumang-ayon sa kasulatan (o sa sitwasyon ng mga propesyonal na tagapayo ay may obligasyon) na pananatilihin itong kumpidensyal. Titiyakin ng recipient na gagamitin lang ng Mga Pinaglaanan nito ang natanggap na Kumpidensyal na Impormasyon para maipatupad ang mga karapatan at maisagawa ang mga obligasyon sa ilalim ng Kasunduang ito.

      • 3.3 Kinakailangang Paghahayag. Sa kabila ng anumang probisyon na sumasalungat sa Kasunduang ito, puwede ring ihayag ng recipient ang Kumpidensyal na Impormasyon sa saklaw na nire-require ng naaangkop na Legal na Proseso; sa kundisyong nagsasagawa ang recipient ng mga pagsisikap na makatuwiran ayon sa komersyo para (a) maabisuhan kaagad ang kabilang partido bago ang anumang naturang paghahayag ng Kumpidensyal na Impormasyon nito, at (b) makasunod sa mga makatuwirang request ng kabilang partido kaugnay ng mga pagsisikap nitong tutulan ang paghahayag. Sa kabila ng nabanggit, hindi malalapat ang mga subsection (a) at (b) sa itaas kung matutukoy ng recipient na ang pagsunod sa (a) at (b) ay posibleng (i) magresulta sa paglabag sa Legal na Proseso; (ii) makasagabal sa pagsisiyasat ng pamahalaan; o (iii) humantong sa pagkamatay o matinding pisikal na pinsala sa isang indibidwal.

    • 4. Disclaimer. SA SAKLAW NA PINAPAHINTULUTAN NG NAAANGKOP NA BATAS, ANG PAGGANAP NG GOOGLE KAUGNAY NG KASUNDUANG ITO AY "AS IS" NANG WALANG HAYAGAN O IPINAPAHIWATIG NA WARRANTY, KASAMA NA ANG MGA IPINAPAHIWATIG NA WARRANTY NG KAKAYAHANG MAIKALAKAL, KAANGKUPAN PARA SA ISANG PARTIKULAR NA LAYUNIN, AT HINDI PAGLABAG. HALIMBAWA, HINDI GUMAGAWA ANG GOOGLE NG ANUMANG WARRANTY TUNGKOL SA CONTENT O MGA FEATURE NG PERFORMANCE NITO O NG MGA SERBISYO SA DOMAIN NG REGISTRAR, KABILANG ANG KATUMPAKAN, PAGIGING MAAASAHAN, AVAILABILITY, O KAKAYAHAN NG MGA ITO NA MATUGUNAN ANG IYONG MGA PANGANGAILANGAN.

    • 5. Pagbabayad-danyos. Ipagtatanggol, babayaran ng danyos, at hindi mo ipapahamak ang Google at ang mga subcontractor nito, pati na ang mga kaukulang direktor, opisyal, empleyado, ahente, at affiliate ng Google at mga subcontractor nito, mula at laban sa anuman at lahat ng habol, pinsala, sagutin, gastusin, at halaga (kabilang na ang mga makatuwirang legal na bayarin at halaga) na magmumula sa o nauugnay sa:

      • • iyong pagpaparehistro ng domain name at paggamit ng Mga Serbisyo sa Domain;

      • • iyong paglabag sa anumang karapatan ng third party, kabilang ang mga karapatan sa intellectual property.

    • 6. Limitasyon ng Sagutin.

      • 6.1 Limitasyon sa Hindi Direktang Sagutin. HINDI MANANAGOT ANG GOOGLE, AT ANG MGA AFFILIATE AT SUPPLIER NITO, SA ILALIM NG KASUNDUANG ITO PARA SA MGA NAWALANG KITA, O DATA, PINANSYAL NA PAGKALUGI O HINDI DIREKTA, ESPESYAL, NAGKATAON, KINAHIHINATNAN, HUWARAN, O MGA DANYOS NA PAMPARUSA, KAHIT NA ALAM NAMIN O DAPAT ALAM NAMIN NA POSIBLE ANG MGA NATURANG PINSALA AT KAHIT NA WALANG REMEDYO SA MGA DIREKTANG PINSALA.

      • 6.2 Limitasyon sa Halaga ng Sagutin. ANG KABUUANG SAGUTIN PARA SA GOOGLE, AT SA MGA AFFILIATE AT SUPPLIER NITO, PARA SA ANUMANG HABOL SA ILALIM NG KASUNDUANG ITO AY LIMITADO SA MAS MABABA SA (I) HALAGANG BINAYARAN MO KAUGNAY NG KASUNDUANG ITO SA PANAHON NG LABINDALAWANG BUWAN BAGO ANG PANGYAYARING HUMANTONG SA SAGUTIN O (II) US$5,000.

      • 6.3 Mga Pagbubukod sa Mga Limitasyon. Hindi nalalapat ang mga limitasyon ng sagutin na ito sa iyong paglabag sa mga karapatan sa intellectual property ng Google o mga affiliate nito, sa mga obligasyon mo sa pagbabayad-danyos, o sa iyong mga obligasyon sa pagbabayad.

    • 7. Pangkalahatan.

      • 7.1 Mga Abiso. Para mapangasiwaan ang mga pagdinig, hinihingi sa dalawang partido, pero hindi nire-require ang mga ito, na magsumite ng mga abiso sa English sa pamamagitan ng sulat at i-address ang mga ito sa legal na departamento ng kabilang partido at pangunahing point of contact. Ang email address para sa mga abisong ipinapadala sa Legal na Departamento ng Google ay legal-notices@google.com.

      • 7.2 Pagtatalaga. Hindi mo puwedeng italaga ang anumang bahagi ng Kasunduang ito nang walang paunang pahintulot ng Google. Walang bisa ang anupamang pagsubok na magtalaga.

      • 7.3 Akto ng Diyos. Wala sa alinmang partido ang magkakaroon ng sagutin para sa pagpalya o pagkaantala sa performance sa sukdulang idinulot ng mga pagkakataon na hindi saklaw ng makatuwirang kontrol nito.

      • 7.4 Walang Pagsusuko. Wala sa alinmang partido ang ituturing na nagsuko ng anumang karapatan sa pamamagitan ng hindi paggamit (o pag-antala sa paggamit) ng anumang karapatan sa ilalim ng Kasunduang ito.

      • 7.5 Walang Ahensya. Hindi bumubuo ang Kasunduang ito ng anumang ahensya, partnership, o joint venture sa pagitan ng mga partido.

      • 7.6 Mga Email. Puwedeng gumamit ang mga partido ng mga email para matugunan ang mga requirement sa nakasulat na pag-apruba at pahintulot sa ilalim ng Kasunduang ito.

      • 7.7 Pag-subcontract. Puwedeng i-subcontract ng Google ang mga obligasyon sa ilalim ng Kasunduang ito pero mananatili itong may pananagutan sa Customer para sa anumang naka-subcontract na obligasyon.

      • 7.8 Nakikinabang na Third Party. Ang Kasunduang ito ay hindi magdudulot ng anumang benepisyo sa sinumang third party maliban kung hayagang isinasaad na gagawin ito.

      • 7.9 Severability. Kung invalid, ilegal, o hindi maipapatupad ang alinmang tuntunin (o bahagi ng isang tuntunin) ng Kasunduang ito, mananatiling may bisa ang iba pang bahagi ng Kasunduang ito.

      • 7.10 Sumasaklaw na Batas ng U.S.. Sa ilalim ng Seksyon 7.15 (Mga Tuntuning Partikular sa Rehiyon), nalalapat ang mga sumusunod sa mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga partido:

        • (a) Para sa Mga Entity ng Pamahalaan ng Lungsod, County, at Estado ng U.S. Kung ang Customer ay isang entity ng pamahalaan ng lungsod, county, o estado ng U.S., hindi magpapasya ang Kasunduang ito tungkol sa sumasaklaw na batas at pagdudulugan.

        • (b) Para sa Mga Entity ng Pederal na Pamahalaan ng U.S. Kung ang Customer ay isang entity ng pederal na pamahalaan ng U.S., nalalapat ang mga sumusunod: ANG LAHAT NG HABOL NA MAGMUMULA O NAUUGNAY SA KASUNDUANG ITO O SA PAGGANAP NG GOOGLE AY SASAKLAWIN NG MGA BATAS NG UNITED STATES OF AMERICA, MALIBAN SA MGA PANUNTUNAN SA PAGSASALUNGATAN NG MGA BATAS NITO. TANGING SA SAKLAW NA PINAPAHINTULUTAN NG PEDERAL NA BATAS, (I) MALALAPAT ANG MGA BATAS NG ESTADO NG CALIFORNIA (HINDI KASAMA ANG MGA PANUNTUNAN SA PAGSASALUNGATAN NG MGA BATAS NG CALIFORNIA) KUNG WALANG NAAANGKOP NA PEDERAL NA BATAS AT (II) PARA SA LAHAT NG HABOL NA MAGMUMULA O NAUUGNAY SA KASUNDUANG ITO O SA PAGGANAP NG GOOGLE, PUMAPAYAG ANG MGA PARTIDO SA PERSONAL NA HURISDIKSYON SA, AT SA EKSKLUSIBONG PAGDUDULUGAN NG, MGA HUKUMAN SA SANTA CLARA COUNTY, CALIFORNIA.

        • (c) Para sa Lahat ng Iba Pang Entity. Kung ang Customer ay anumang entity na hindi tinukoy sa Seksyon 7.10(a) (Sumasaklaw na Batas ng U.S. para sa Mga Entity ng Pamahalaan ng Lungsod, County, at Estado ng U.S.) o (b) (Sumasaklaw na Batas ng U.S. para sa Mga Entity ng Pederal na Pamahalaan), nalalapat ang mga sumusunod: ANG LAHAT NG HABOL NA MAGMUMULA O NAUUGNAY SA KASUNDUANG ITO O SA PAGGANAP NG GOOGLE AY SASAKLAWIN NG BATAS NG CALIFORNIA, HINDI KASAMA ANG MGA PANUNTUNAN SA PAGSASALUNGATAN NG MGA BATAS NG ESTADONG IYON, AT EKSKLUSIBONG LILITISIN SA MGA PEDERAL O PANG-ESTADONG HUKUMAN NG SANTA CLARA COUNTY, CALIFORNIA, USA; PUMAPAYAG ANG MGA PARTIDO SA PERSONAL NA HURISDIKSYON SA MGA HUKUMANG IYON.

      • 7.11 Magkakasalungat na Wika. Kung isasalin ang Kasunduang ito sa anumang wika bukod sa English, at may pagkakaiba ang English na text at isinaling text, ang English na text ang susundin maliban na lang kung iba ang hayagang nakasaad sa pagsasalin.

      • 7.12 Patas na Lunas. Walang anuman sa Kasunduang ito ang maglilimita sa kakayahan ng alinmang partido na maghangad ng patas na lunas.

      • 7.13 Mga Pagbabago. Puwedeng baguhin ng Google ang mga tuntunin ng Kasunduang ito paminsan-minsan at ipo-post nito ang anumang naturang pagbabago sa https://workspace.google.com/terms/domain_reseller_agreement.html. Magkakaroon lang ng bisa ang mga pagbabagong ito sa simula ng susunod na sinasakupang pagsingil ng Customer, at sa panahong iyon, ang pag-renew ng Customer ay mangangahulugan ng pagtanggap nito sa mga pagbabago. Maliban sa nakasaad sa Seksyong ito, ang anumang pagbabago sa Kasunduang ito ay dapat nakasulat, nilagdaan ng parehong partido, at hayagan nitong isinasaad na binabago nito ang Kasunduang ito.

      • 7.14 Buong Kasunduan. Sinasapawan ng Kasunduang ito ang lahat ng iba pang kasunduan sa pagitan ng mga partido na nauugnay sa paksa nito. Sa pagpasok sa Kasunduang ito, wala sa alinmang partido ang umasa sa, at wala sa alinmang partido ang magkakaroon ng anumang karapatan o remedyo batay sa, anumang pahayag, representation, o warranty (nagawa man sa kapabayaan o pagkainosente), maliban sa mga hayagang itinakda sa Kasunduang ito.

      • 7.15 Mga Tuntuning Partikular sa Rehiyon. Sumasang-ayon ang Customer sa mga sumusunod na pagbabago sa Kasunduang ito kung nasa naaangkop na rehiyon ang billing address ng Customer na gaya ng inilalarawan sa ibaba:

        • Asia Pacific (lahat ng rehiyon maliban sa Australia, Japan, India, New Zealand, Singapore) at Latin America

          • Papalitan ang Seksyon 7.10 (Sumasaklaw na Batas ng U.S.) ayon sa sumusunod:

          • 7.10 Sumasaklaw na Batas; Paglilitis.

          • (a) ANG LAHAT NG HABOL NA MAGMUMULA O NAUUGNAY SA KASUNDUANG ITO O SA ANUMANG KAUGNAY NA PRODUKTO O SERBISYO NG GOOGLE (KABILANG ANG ANUMANG DI-PAGKAKASUNDO TUNGKOL SA INTERPRETASYON O PAGSASAKATUPARAN NG KASUNDUAN) ("Di-pagkakasundo") AY MASASAKLAWAN NG MGA BATAS NG ESTADO NG CALIFORNIA, USA, MALIBAN SA MGA PANUNTUNAN SA MGA PAGSASALUNGATAN NG MGA BATAS NG CALIFORNIA.

          • (b) Susubukan ng mga partido na ayusin nang may magandang loob ang anumang Di-pagkakasundo sa loob ng 30 araw mula sa pagkakaroon ng Di-pagkakasundo. Kung hindi malulutas ang Di-pagkakasundo sa loob ng 30 araw, dapat itong malutas sa pamamagitan ng paglilitis ng International Centre for Dispute Resolution ng American Arbitration Association alinsunod sa Expedited Commercial Rules na ipinapatupad mula sa petsa ng Kasunduang ito ("Mga Panuntunan").

          • (c) Magkakasundo ang mga partido sa pagpili ng isang arbitrator. Isasagawa ang paglilitis sa English sa Santa Clara County, California, USA.

          • (d) Puwedeng mag-apply ang alinmang partido sa anumang kwalipikadong hukuman para sa lunas ng mapagpigil na kinakailangan para maprotektahan ang mga karapatan nito habang nakabinbin ang resolusyon ng paglilitis. Puwedeng mag-utos ang arbitrator ng patas na lunas o lunas ng mapagpigil na naaayon sa mga remedyo at limitasyon sa Kasunduang ito.

          • (e) Sa ilalim ng mga requirement sa pagiging kumpidensyal sa Subsection (g), puwedeng magpetisyon ang alinmang partido sa anumang kwalipikadong hukuman na maglabas ng anumang utos na kinakailangan para maprotektahan ang mga karapatan o ari-arian ng partidong iyon; hindi ituturing ang petisyong ito na paglabag o pagsusuko ng sumasaklaw na batas at seksyon ng paglilitis na ito at hindi ito makakaapekto sa mga kakayahan ng tagapaglitis, kabilang ang kakayahang suriin ang pasya ng hukuman. Magkakasundo ang mga partido na kwalipikado ang mga hukuman ng Santa Clara County, California, USA, na magbigay ng anumang utos sa ilalim ng Subsection 7.10(e) na ito.

          • (f) Hindi na mababago ang pasya sa paglilitis at mapapailalim dito ang mga partido at puwedeng iharap ang pagsasakatuparan nito sa anumang kwalipikadong hukuman, kabilang ang anumang hukumang may hurisdiksyon sa alinmang partido o sa alinman sa ari-arian nito.

          • (g) Ang anumang pagdinig sa paglilitis na isinasagawa alinsunod sa Seksyon 7.10 (Sumasaklaw na Batas; Paglilitis) na ito ay ituturing na Kumpidensyal na Impormasyon sa ilalim ng Seksyon 3 (Kumpidensyal na Impormasyon), kabilang ang: (i) pagkakaroon ng, (ii) anumang impormasyong inihayag sa panahon ng, at (iii) anumang pasalitang komunikasyon o dokumentong nauugnay sa, mga pagdinig sa paglilitis. Bukod pa sa mga karapatan sa paghahayag sa ilalim ng Seksyon 3 (Kumpidensyal na Impormasyon), puwedeng ihayag ng mga partido ang impormasyong inilalarawan sa Subsection 7.10 (g) na ito sa isang kwalipikadong hukuman kung kinakailangan para makapaghain ng anumang kautusan sa ilalim ng Subsection 7.10 (e) o makapagpatupad ng anumang pasya sa paglilitis, pero dapat i-request ng mga partido na isagawa ang mga pagdinig ng hukumang iyon nang pribado.

          • (h) Ang mga partido ang magbabayad sa mga bayarin sa tagapaglitis, bayarin at gastos sa mga itinalagang eksperto ng tagapaglitis, at pang-administrator na gastos ng center sa paglilitis alinsunod sa Mga Panuntunan. Sa huling pasya nito, tutukuyin ng arbitrator ang obligasyon ng hindi mananaig na partido sa pag-reimburse ng halagang paunang binayaran ng mananaig na partido para sa mga bayaring ito.

          • (i) Sasagutin ng bawat partido ang mga bayarin at gastos sa sarili nitong mga abogado at eksperto, anuman ang maging huling pasya ng tagapaglitis tungkol sa Di-pagkakasundo.

        • Asia Pacific - India

          • Papalitan ang Seksyon 7.10 (Sumasaklaw na Batas ng U.S.) ayon sa sumusunod:

          • 7.10 Sumasaklaw na Batas. Masasaklawan ng mga batas ng India ang lahat ng habol na magmumula o nauugnay sa Kasunduang ito. Sakaling magkaroon ng anumang di-pagkakasundo, ang Mga Hukuman sa New Delhi ang may hurisdiksyon. Sa kabila ng nabanggit, madadala at dadalhin ng Customer ang lahat ng habol kaugnay ng Google sa ilalim ng Kasunduang ito laban sa Google India Private Limited.

        • Europe, Middle East, Africa - Algeria, Bahrain, Jordan, Kuwait, Libya, Mauritania, Morocco, Oman, Palestine, Qatar, Tunisia, Yemen, Egypt, Israel, United Arab Emirates, at Lebanon

          • Papalitan ang Seksyon 7.10 (Sumasaklaw na Batas ng U.S.) ayon sa sumusunod:

          • 7.10 Sumasaklaw na Batas; Paglilitis.

          • (a) ANG LAHAT NG HABOL NA MAGMUMULA O NAUUGNAY SA KASUNDUANG ITO O SA ANUMANG KAUGNAY NA PRODUKTO O SERBISYO NG GOOGLE (KABILANG ANG ANUMANG DI-PAGKAKASUNDO TUNGKOL SA INTERPRETASYON O PAGSASAKATUPARAN NG KASUNDUAN) ("Di-pagkakasundo") AY MASASAKLAWAN NG MGA BATAS NG ESTADO NG CALIFORNIA, USA, MALIBAN SA MGA PANUNTUNAN SA MGA PAGSASALUNGATAN NG MGA BATAS NG CALIFORNIA.

          • (b) Susubukan ng mga partido na ayusin nang may magandang loob ang anumang Di-pagkakasundo sa loob ng 30 araw mula sa pagkakaroon ng Di-pagkakasundo Kung hindi malulutas ang Di-pagkakasundo sa loob ng 30 araw, dapat itong malutas sa pamamagitan ng paglilitis sa ilalim ng Mga Panuntunan sa Paglilitis ng London Court of International Arbitration (LCIA) ("Mga Panuntunan"), at itinuturing na kasama bilang sanggunian ang mga naturang Panuntunan sa Seksyong ito.

          • (c) Magkakasundo ang mga partido sa pagpili ng isang arbitrator. Isasagawa ang paglilitis sa wikang English at sa Dubai International Financial Center, DIFC, Dubai UAE ang lugar at legal na pagdadausan ng paglilitis.

          • (d) Puwedeng mag-apply ang alinmang partido sa anumang kwalipikadong hukuman para sa lunas ng mapagpigil na kinakailangan para maprotektahan ang mga karapatan nito habang nakabinbin ang resolusyon ng paglilitis. Puwedeng mag-utos ang arbitrator ng patas na lunas o lunas ng mapagpigil na naaayon sa mga remedyo at limitasyon sa Kasunduang ito.

          • (e) Hindi na mababago ang pasya sa paglilitis at mapapailalim dito ang mga partido at puwedeng iharap ang pagsasakatuparan nito sa anumang kwalipikadong hukuman, kabilang ang anumang hukumang may hurisdiksyon sa alinmang partido o sa alinman sa ari-arian nito.

          • (f) Ang anumang pagdinig sa paglilitis na isinasagawa alinsunod sa Seksyon 7.10 (Sumasaklaw na Batas; Paglilitis) na ito ay ituturing na Kumpidensyal na Impormasyon sa ilalim ng Seksyon 3 (Kumpidensyal na Impormasyon), kabilang ang: (i) pagkakaroon ng, (ii) anumang impormasyong inihayag sa panahon ng, at (iii) anumang pasalitang komunikasyon o dokumentong nauugnay sa, mga pagdinig sa paglilitis. Bukod pa sa mga karapatan sa paghahayag sa ilalim ng Seksyon 3 (Kumpidensyal na Impormasyon), puwedeng ihayag ng mga partido ang impormasyong inilalarawan sa Subsection 7.10 (f) na ito sa isang kwalipikadong hukuman kung kinakailangan para magpatupad ng anumang pasya sa paglilitis, pero dapat i-request ng mga partido na isagawa ang mga pagdinig ng hukumang iyon nang pribado.

          • (g) Ang mga partido ang magbabayad ng mga bayarin sa arbitrator, bayarin at gastos sa mga itinalagang eksperto ng arbitrator, at pang-administrator na gastos ng center sa paglilitis alinsunod sa Mga Panuntunan. Sa huling pasya nito, tutukuyin ng arbitrator ang obligasyon ng hindi mananaig na partido sa pag-reimburse ng halagang paunang binayaran ng mananaig na partido para sa mga bayaring ito.

          • (h) Sasagutin ng bawat partido ang mga bayarin at gastos sa sarili nitong mga abogado at eksperto, anuman ang maging huling pasya ng arbitrator tungkol sa Di-pagkakasundo.