Skip to main content
Solutions
Products
Industries
Resources
Solutions
Products
Industries
Resources

Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google Workspace Marketplace

  • 1. Panimula

    • 1.1 Ang Google Workspace Marketplace ("Market") ay pagmamay-ari at pinamamahalaan ng Google Inc. Ang iyong paggamit sa Market ay nasasaklawan ng isang legal na kasunduan sa pagitan ninyo ng Google na binubuo ng Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google (na makikita sa https://www.google.com/policies/terms/) at ng Mga Tuntunin ng Serbisyong ito ng Google Workspace Marketplace (kapag magkasama, tinatawag na "Mga Tuntunin"). Bukod pa rito, ang iyong paggamit sa Market ay napapailalim sa Mga Patakaran ng Programa (na makikita sa https://code.google.com/googleapps/marketplace/policies.html), at sa mga patakaran sa rating at mga review (na makikita sa https://support.google.com/marketplace/answer/9281422?visit_id=638896691981782413-353227009&rd=1#zippy=%2Crating-and-review-policies). Ang Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google Workspace Marketplace, Mga Patakaran ng Programa ng Google Workspace Marketplace, at Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google ang mangingibabaw ayon sa pagkakasunod-sunod na ito kung sakaling may salungatan sa pagitan ng mga ito, sa hangganan ng nasabing salungatan.

    • 1.2 Puwede mong gamitin ang Google Workspace Marketplace para mag-browse, maghanap, o mag-download ng “Mga Produkto” (inilalarawan bilang software, content, at mga digital na materyales na ginawa para sa paggamit kaugnay ng Google Workspace at ipinapamahagi sa pamamagitan ng Market) para sa paggamit kaugnay ng Google Workspace. Ginagawang available ang bawat Produkto ng developer ng Produkto, na karaniwang isang third party na hindi naka-affiliate sa Google. Walang pananagutan ang Google sa anumang Produkto na nasa Market na nagmumula sa isang pinagmulan bukod sa Google, at dapat mong tiyaking babasahin mo at sasang-ayon ka sa anumang mga karagdagang tuntunin na nalalapat sa Mga Produkto na iyon bago i-access o gamitin ang mga ito. Bukod pa rito, maaaring gawing available ang ilang Produkto para sa iyo nang walang bayad habang ang iba ay maaaring kailangang magbayad ng mga bayarin nang direkta sa developer ng Produkto. Wala sa mga pagbabayad na ito ang pinoproseso ng Google o sa pamamagitan ng Market. Ikaw lang ang responsable para sa lahat ng bayaring nauugnay sa mga pagbiling ginagawa mo sa labas ng Market. Hindi responsable ang Google para sa pagtatakda ng presyo ng Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market at wala itong kakayahang mag-isyu ng anumang refund o credit para sa Mga Produktong binili mula sa mga third party.

    • 1.3 Tinatanggap mo ang Mga Tuntunin sa pamamagitan ng alinman sa (a) pag-click para sang-ayunan o tanggapin kapag ipinakita sa iyo ang mga opsyong ito, o (b) aktwal na paggamit sa Google Workspace Marketplace. Huwag gamitin ang Market maliban na lang kung sumasang-ayon ka sa Mga Tuntunin.

    • 1.4 Kung tatanggapin mo ang Mga Tuntunin sa ngalan ng iyong employer o iba pang entity, isinasaad at pinatutunayan mong: (a) mayroon kang buong legal na awtoridad na ipailalim ang iyong employer o ang katulad na entity sa Mga Tuntunin; (b) nabasa at nauunawaan mo ang Mga Tuntunin; at (c) sumasang-ayon ka, sa ngalan ng partidong kinakatawan mo, sa Mga Tuntunin. Kung wala kang legal na awtoridad na magpailalim, huwag i-click ang button na "Tinatanggap Ko" o gamitin ang Google Workspace Marketplace.

    • 1.5 Kung isa kang reseller ng Google Workspace: (a) sisiguraduhin mo na maaabisuhan ang iyong customer ng Google Workspace ("Customer") tungkol sa at tatanggapin niya ang Mga Tuntunin, nang walang pagbabago o pag-amyenda (maliban kung hayagang sasang-ayunan sa pamamagitan ng kasulatan ng Google); at (b) hindi mo tatanggapin (o papayagan ang sinupamang third party na tanggapin) ang Mga Tuntunin sa ngalan ng isang Customer, maliban kung hayagan kang pinahintulutang gawin iyon sa ngalan ng Customer.

    • 1.6 Para magamit ang Market, 13 taong gulang ka na dapat o mas matanda pa. Kung ikaw ay 13 hanggang 18 taong gulang, dapat ay mayroon kang pahintulot ng iyong magulang o legal na tagapag-alaga para magamit ang Market.

  • 2. Pagbibigay ng Google ng Google Workspace Marketplace

    • 2.1 Puwedeng ihinto ng Google (nang permanente o pansamantala) ang pagbibigay ng Market (o anumang feature na nasa Market) sa iyo o sa mga user sa pangkalahatan sa sariling pagpapasya ng Google, nang walang paunang abiso sa iyo. Ang iyong access sa Mga Produktong na-download mo dati sa pamamagitan ng Market ay hindi naman maaapektuhan ng pagiging hindi available ng Market, dahil ang nasabing access ay kinokontrol ng developer ng bawat Produkto.

    • 2.2 Posibleng i-disable ng Google ang access sa iyong account - halimbawa, para sa mga dahilang panseguridad o dahil sa iyong malalang paglabag sa Mga Tuntunin. Kung madi-disable ang iyong account, posibleng pigilan kang i-access ang Market, mga detalye ng account mo, o anumang Produkto o iba pang file na naka-store sa iyong account.

    • 2.3 Ang suporta para sa paggamit at pagpapatakbo ng Market (kasama na kung paano hanapin, i-download, at alisin ang Mga Produkto) ay ibinibigay ng Google sa user interface ng application ng Market. Hindi nagbibigay ang Google ng customer support para sa Mga Produktong ipinamahagi ng mga third party na developer sa Market. Responsable ang bawat developer sa pagtukoy sa level ng customer support na ibinibigay ng developer at dapat kang direktang makipag-ugnayan sa developer.

    • 2.4 Paminsan-minsan, posibleng makatuklas ang Google ng Produkto sa Market na lumalabag sa Kasunduan sa Pamamahagi ng Developer ng Google Workspace Marketplace o iba pang legal na kasunduan, batas, regulasyon, o patakaran. Sa ganoong pangyayari, nananatili sa Google ang karapatang alisin ang nasabing Produkto sa Market o Google Workspace sa sarili nitong pagpapasya.

  • 3. Ang Iyong Paggamit sa Google Workspace Marketplace

    • 3.1 Para ma-access ang ilang partikular na serbisyo sa Market, posibleng i-require kang magbigay ng impormasyon tungkol sa sarili mo gaya ng iyong pangalan, address, at mga detalye ng pagsingil. Responsibilidad mong siguraduhin na tumpak, tama, at up to date ang anumang katulad na impormasyon na ibinibigay mo sa Google.

    • 3.2 Puwede mo lang gamitin ang Market para sa mga layuning pinapahintulutan ng (a) Mga Tuntunin at (b) anumang naaangkop na batas, regulasyon, o pangkalahatang tinatanggap na kasanayan o alituntunin sa hurisdiksyon kung saan mo ginagamit ang Market o gaya ng nakatala sa Seksyon 11.6 sa ibaba.

    • 3.3 Hindi mo dapat i-access (o tangkaing i-access) ang Market sa anumang paraan maliban sa pamamagitan ng interface na ibinibigay ng Google, maliban kung partikular kang pinayagang gawin ito sa isang hiwalay na kasunduan sa Google. Halimbawa, hindi mo dapat i-access (o tangkaing i-access) ang Market sa pamamagitan ng anumang naka-automate na paraan (kasama ang paggamit ng mga script, crawler, o katulad na teknolohiya) at dapat mong siguraduhin na sumusunod ka sa mga tagubiling nakatakda sa anumang robots.txt file na nasa website ng Market.

    • 3.4 Hindi ka dapat magsagawa ng anumang aktibidad na nakakasagabal o nakakahadlang sa Market (o sa mga server at network na nakakonekta sa Market). Hindi mo dapat gamitin ang alinman sa Mga Produktong makikita sa Market sa paraang nakakasagabal o nakakahadlang sa anumang server, network, o website na pinapatakbo ng Google o sinumang third-party.

    • 3.5 Maliban kung partikular kang pinahintulutang gawin iyon sa isang hiwalay na kasunduan sa Google, hindi mo dapat i-reproduce, i-duplicate, kopyahin, ibenta, i-trade, o i-resell ang Market para sa anumang layunin. Hindi mo dapat i-reproduce, i-duplicate, kopyahin, ibenta, i-trade, o i-resell ang anumang Produkto mula sa Market para sa anumang layunin, maliban kung partikular kang pinahintulutang gawin iyon sa isang hiwalay na kasunduan sa developer ng nasabing Produkto.

    • 3.6 Ikaw lang ang responsable para sa iyong paggamit sa Market at anumang Produkto, sa anumang paglabag sa mga obligasyon mo sa ilalim ng Mga Tuntunin, at para sa mga kahihinatnan (kasama ang anumang uri ng pagkawala o pinsala na posibleng maranasan ng Google) ng anumang katulad na paglabag.

    • 3.7 Kung gagamitin mo ang Market o Mga Produktong nakuha sa pamamagitan ng Market para sa mga layunin ng negosyo, sumasang-ayon kang sumunod sa anuman at lahat ng naaangkop na batas sa buwis, kabilang ang pero hindi limitado sa pag-uulat at pagbabayad ng anumang buwis kaugnay ng iyong paggamit sa Market o pagbili ng Mga Produkto mula sa mga third party na hindi affiliated sa Google. Responsibilidad mo ang pag-uulat at pagbabayad ng anumang katulad na naaangkop na buwis.

    • 3.8 Pagmamay-ari ng Google o mga third party ang lahat ng karapatan, titulo, at interes sa Market at Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market, kabilang nang walang limitasyon ang lahat ng naaangkop na Karapatan sa Intellectual Property sa Mga Produkto. Ang "Mga Karapatan sa Intellectual Property" ay nangangahulugang ang anuman at lahat ng karapatang umiiral sa ilalim ng batas sa patent, batas sa copyright, batas para sa trade secret, batas sa trademark, batas para sa hindi makatarungang kumpetisyon, at anuman at lahat ng iba pang pandaigdigang karapatan sa pinagmamay-arian. Hindi mo dapat gawin (at hindi mo dapat payagan ang sinumang third party na gawin) ang mga sumusunod: (a) kopyahin, ibenta, lisensyahan, i-distribute, ilipat, baguhin, i-adapt, isalin, maghanda ng mga hinangong gawa mula sa, i-decompile, i-reverse engineer, baklasin, o tangkaing kunin sa anumang paraan ang source code mula sa Mga Produkto, maliban kung pinapahintulutan sa ilalim ng naaangkop na batas, (b) gumawa ng anumang aksyon para lusutan o talunin ang mga panuntunan sa seguridad o paggamit ng content na ibinibigay, dine-deploy, o ipinapatupad ng anumang functionality (kabilang nang walang limitasyon ang pamamahala ng mga digital na karapatan o forward-lock functionality) sa Mga Produkto, (c) gamitin ang Mga Produkto para mag-access, kumopya, maglipat, mag-transcode, o mag-retransmit ng content na lumalabag sa anumang batas o karapatan ng third party, o (d) alisin, itago, o baguhin ang mga abiso tungkol sa copyright, trademark, o iba pang abiso sa mga karapatan sa pinagmamay-arian ng Google o anumang third party na nakakabit sa o nasa Mga Produkto.

    • 3.9 Nakalaan sa Google ang karapatang (pero hindi ito magkakaroon ng obligasyong) suriin, i-flag, i-filter, baguhin, tanggihan, o alisin ang anuman o lahat ng Produkto sa Market. Gayunpaman, sa pamamagitan ng paggamit ng Market, posible kang malantad sa Mga Produkto na sa tingin mo ay nakakapanakit, malaswa, o hindi kanais-nais. Dapat mong gamitin ang Market sa sarili mong pananagutan.

    • 3.10 Chargeback at Mga Di-pagkakasundo sa Pagsingil: Hindi responsable ang Google sa mga di-pagkakasundo sa pagsingil mula sa mga pagbili sa Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market. Kung kailangan mong magbayad ng bayarin para sa anumang Produkto na ginawang available sa pamamagitan ng Market, direktang binabayaran sa developer ng Produkto ang bayaring ito, at ang developer ay isang third party na hindi naka-affiliate sa Google. Ang lahat ng isyu sa pagsingil ay dapat idirekta sa developer na pinag-uusapan, tagaproseso ng pagbabayad, o sa kumpanya ng iyong credit card ayon sa naaangkop.

  • 4. Mga Serbisyo ng Google at Mga Produkto at Serbisyo ng Third Party

    • 4.1 Ang ilang Produkto ay posibleng may mga feature na ginagamit kasama ng paghahanap at iba pang serbisyo ng Google. Ang iyong paggamit sa mga nasabing feature sa Mga Produktong iyon ay nasasaklawan din ng Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google na makikita sa https://www.google.com/policies/terms/, Patakaran sa Privacy ng Google na makikita sa https://www.google.com/policies/privacy/, pati na rin ng anumang naaangkop na Tuntunin ng Serbisyo at Patakaran sa Privacy na partikular sa Serbisyo ng Google.

    • 4.2 Ang ilang bahagi ng Mga Produkto ay posibleng nasasaklawan din ng mga naaangkop na open source na lisensya ng software. Sa limitadong saklaw na hayagang sumasapaw ang mga open source na lisensya ng sa Mga Tuntunin na ito, nasasaklawan ng mga open source na lisensya ang iyong kasunduan sa Google para sa paggamit ng anumang bahagi ng Mga Produkto na nasasaklawan ng mga open source na lisensya ng software.

  • 5. Mga Awtomatikong Update

  • Ang Mga Produkto, kasama ang Mga Produktong binuo at ginawang available ng mga third party na developer, ay posibleng makipag-ugnayan sa Google o sa mga third-party na server paminsan-minsan para malaman kung may mga available na update sa Mga Produkto gaya ng mga pag-aayos ng bug, patch, pinahusay na function, nawawalang plug-in, at bagong bersyon. Kapag na-install ang Mga Produktong ito, ibig sabihin, ang mga nasabing update ay posibleng awtomatikong i-request at i-install nang walang karagdagang abiso sa iyo.

  • 6. Mga Paghihigpit sa Pag-export

  • Posibleng napapailalim ang Mga Produkto na available sa Market sa mga pagkontrol sa pag-export ng United States o ng iba pang bansa o teritoryo, kasama ang mga paghihigpit sa mga destinasyon, end user, at end use. Sa paggamit ng Market, dapat kang sumunod sa lahat ng naaangkop na batas at regulasyon sa pag-export ng U.S. at ibang bansa, kabilang ang, pero hindi limitado sa, Export Administration Regulations ng Department of Commerce ng United States at mga sanction program na pinamamahalaan ng Office of Foreign Assets Control ng Treasury Department ng United States. Dapat kang sumunod sa lahat ng lokal na batas at regulasyon patungkol sa pag-download, pag-install o paggamit ng Mga Produkto. Sa pamamagitan ng paggamit ng Market, partikular mong isinasaad at pinatutunayan na hindi ka pinagbabawalang makatanggap ng mga pag-export o serbisyo sa ilalim ng US o ng iba pang naaangkop na batas sa pag-export.

  • 7. Pagbabayad-danyos

  • Kung gagamitin mo ang Market o ang Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market sa ngalan ng isang negosyo, hindi ipapahamak at babayaran ng danyos ng negosyong iyon ang Google at mga affiliate, opisyal, ahente, at empleyado nito mula sa anumang habol, demanda, o aksyon na nagmumula o may kaugnayan sa paggamit ng Market o Mga Produkto, o paglabag sa mga tuntuning ito, kasama na ang anumang sagutin o gastusing nagmumula sa mga habol, pagkawala, pinsala, demanda, hatol, gastusin sa paglilitis, at bayad sa abogado.

  • 8. Pagwawakas

    • 8.1 Patuloy na malalapat ang Mga Tuntuning ito hanggang sa ito ay wakasan mo o ng Google gaya ng nakatakda sa ibaba.

    • 8.2 Kung gusto mong wakasan ang Mga Tuntuning ito, puwede mo itong gawin sa pamamagitan ng paghihinto ng iyong paggamit ng Market at lahat ng Produktong nakuha sa pamamagitan ng Market.

    • 8.3 Puwedeng wakasan ng Google anumang oras ang Mga Tuntuning ito sa iyo kung: (a) nagkaroon ka ng malalang paglabag sa anumang probisyon ng Mga Tuntuning ito; o (b) nire-require itong gawin ng Google ayon sa batas; o (c) nagpasya ang Google na huwag nang ibigay ang Market.

    • 8.4 Kapag nagwakas ang Mga Tuntuning ito, ang lahat ng legal na karapatan, obligasyon, at saguting pinakinabangan o naranasan (o naipon sa paglipas ng panahon habang may bisa ang Mga Tuntuning ito) ninyo ng Google, o inihayag na magpapatuloy nang walang nakatakdang katapusan, ay hindi maaapektuhan. Dapat patuloy na malapat ang mga probisyon ng Seksyon 11.6 sa mga nasabing karapatan, obligasyon, at sagutin nang walang nakatakdang katapusan.

  • 9. DISCLAIMER SA MGA WARRANTY

    • 9.1 ANG IYONG PAGGAMIT SA MARKET AT SA ANUMANG PRODUKTONG NAKUHA SA PAMAMAGITAN NG MARKET AY NASA SARILI MONG PAGHUHUSGA. BUKOD SA HAYAGANG NAKASAAD, IBINIBIGAY NG GOOGLE ANG MARKET AT MGA PRODUKTO NANG “AS IS” AT “AYON SA AVAILABLE.” HINDI GUMAGAWA O NAGPAPAHIWATIG ANG GOOGLE NG ANUMANG WARRANTY O COMMITMENT TUNGKOL SA MARKET AT MGA PRODUKTO, KABILANG ANG PERO HINDI LIMITADO SA PARTIKULAR NA FUNCTIONALITY NA AVAILABLE SA PAMAMAGITAN NG MARKET O MGA PRODUKTO, PAGIGING MAAASAHAN NG MGA ITO, PAGIGING AVAILABLE, O KAKAYAHANG MATUGUNAN ANG IYONG PANGANGAILANGAN

    • ANG ILANG HURISDIKSYON AY NAGTATAKDA NG ILANG WARRANTY, GAYA NG IPINAPAHIWATIG NA WARRANTY NG KAKAYAHANG MAIKALAKAL, KAANGKUPAN PARA SA PARTIKULAR NA LAYUNIN, AT HINDI PAGLABAG. HANGGANG SA SAKLAW NA PINAPAHINTULUTAN NG BATAS, IBINUBUKOD NG GOOGLE ANG LAHAT NG WARRANTY.

    • 9.2 IKAW LANG ANG RESPONSABLE PARA SA ANUMANG PINSALA SA IYONG COMPUTER SYSTEM, MOBILE DEVICE, O IBA PANG DEVICE, O PAGKAWALA NG DATA NA MAGRERESULTA MULA SA PAGGAMIT MO NG MARKET O ANUMANG PRODUKTONG NAKUHA SA PAMAMAGITAN NG MARKET.

    • 9.3 WALA SA MGA PRODUKTO ANG NILALAYON PARA SA PAGGAMIT SA PAGPAPATAKBO NG MGA NUCLEAR NA PASILIDAD, LIFE SUPPORT SYSTEM, PANG-EMERGENCY NA KOMUNIKASYON, SYSTEM NG PAG-NAVIGATE O KOMUNIKASYON NG AIRCRAFT, AIR TRAFFIC CONTROL SYSTEM, O ANUPAMANG KATULAD NA AKTIBIDAD KUNG SAAN ANG PAGPALYA NG MGA PRODUKTO AY POSIBLENG HUMANTONG SA PAGKAMATAY, PERSONAL NA PINSALA, O MALUBHANG PISIKAL O PANGKAPALIGIRANG PINSALA.

  • 10. LIMITASYON NG SAGUTIN

    • 10.1 KAPAG PINAPAHINTULUTAN NG BATAS, HINDI MAGIGING RESPONSABLE ANG GOOGLE, AT MGA SUBSIDIARY AT AFFILIATE NITO, PARA SA: MGA NAWALANG KITA, PAGKAWALA NG DATA, PINANSYAL NA PAGKAWALA; O HINDI DIREKTA, ESPESYAL, KAHIHINATNAN, HUWARAN, O PAMPARUSANG DANYOS.

    • 10.2 HANGGANG SA SAKLAW NA PINAPAHINTULUTAN NG BATAS, ANG KABUUANG SAGUTIN NG GOOGLE, AT MGA SUBSIDIARY AT AFFILIATE NITO, PARA SA ANUMANG HABOL SA ILALIM NG MGA TUNTUNING ITO, KASAMA ANG PARA SA ANUMANG IPINAPAHIWATIG NA WARRANTY, AY LIMITADO SA HALAGANG IBINAYAD MO SA AMIN PARA MAGAMIT ANG MGA SERBISYO (O, KUNG PIPILIIN NAMIN, PARA MAIBIGAY ULIT SA IYO ANG MGA SERBISYO).

    • 10.3 SA LAHAT NG SITWASYON, HINDI MANANAGOT ANG GOOGLE, AT MGA SUBSIDIARY AT AFFILIATE NITO, PARA SA ANUMANG PAGKAWALA O PINSALANG HINDI MAKATUWIRANG MAKIKINITA.

    • 10.4 KINIKILALA NAMIN NA SA ILANG BANSA, POSIBLENG MAYROON KANG MGA LEGAL NA KARAPATAN BILANG CONSUMER. KUNG GINAGAMIT MO ANG MARKET O MGA PRODUKTO PARA SA PERSONAL NA LAYUNIN, WALA SA MGA TUNTUNING ITO ANG MAGLILIMITA SA ANUMANG LEGAL NA KARAPATAN NG CONSUMER NA HINDI PUWEDENG I-WAIVE SA PAMAMAGITAN NG KONTRATA.

  • 11. Mga Pangkalahatang Legal na Tuntunin

    • 11.1 Nilalayon ng Google na umasa sa Mga Tuntunin lang na ito kaugnay ng iyong paggamit ng Market o Mga Produkto.

    • 11.2 Kung hindi ka susunod sa Mga Tuntuning ito, at hindi kaagad aaksyon ang Google, hindi ito nangangahulugang isinusuko ng Google ang anumang karapatang posibleng mayroon ito (gaya ng pag-aksyon sa hinaharap).

    • 11.3 Kung invalid ang anuman sa Mga Tuntuning ito (o bahagi ng isang Tuntunin), mananatiling may bisa ang iba pang Tuntunin.

    • 11.4 Tinatanggap at sinasang-ayunan mo na ang bawat miyembro ng grupo ng mga kumpanya kung saan parent ang Google ay magiging mga nakikinabang na third party sa Mga Tuntuning ito at ang mga nasabing iba pang kumpanya ay magkakaroon ng karapatang direktang ipatupad, at asahan, ang anumang probisyon ng Mga Tuntuning ito na nagbibigay ng benepisyo sa kanila (o mga karapatang pabor sa kanila). Bukod dito, walang iba pang tao o kumpanya ang magiging mga nakikinabang na third party sa Mga Tuntuning ito.

    • 11.5 Pinapayagan ang Google na italaga o i-subcontract anumang oras ang kabuuan o bahagi ng tungkulin nito sa ilalim ng Mga Tuntuning ito sa isa o higit pang entity ng Google. Kapag itinalaga o na-subcontract ng Google ang lahat o ang bahagi ng aming tungkulin, magiging responsable dapat ang Google sa anumang paglabag sa Mga Tuntuning ito ng may kaugnayang assignee o subcontractor.

    • 11.6 a. Kung gagamitin mo ang Market o ang Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market para sa mga layunin ng negosyo: Ang Mga Tuntuning ito at ang iyong ugnayan sa Google sa ilalim ng Mga Tuntuning ito ay dapat na saklawan ng mga batas ng Estado ng California, U.S.A., nang hindi isinasaalang-alang ang kontrahan ng mga tuntunin ng batas nito. Nagkakasundo kayo ng Google na sumunod sa eksklusibong hurisdiksyon ng mga hukumang makikita sa county ng Santa Clara, California, U.S.A., para malutas ang anumang legal na usaping nagmumula sa Mga Tuntuning ito. Sa kabila nito, sumasang-ayon ka na papayagan pa rin ang Google na mag-apply para sa mga remedyong tagapigil na utos (o isang katumbas na uri ng agarang legal na lunas) sa anumang hurisdiksyon.

    • b. Kung gagamitin mo ang Market o Mga Produktong available sa pamamagitan ng Market para sa mga personal na layunin: Hindi ilalapat ng mga hukuman sa ilang bansa ang batas ng California sa ilang uri ng mga di-pagkakasundo. Kung nakatira ka sa isa sa mga bansang iyon, kung saan hindi inilalapat ang batas sa California, ilalapat ang mga batas ng iyong bansa sa mga naturang di-pagkakasundo na may kaugnayan sa mga tuntunin na ito. Kung hindi man, sumasang-ayon ka na ang mga batas sa California, U.S.A., maliban sa batas sa California tungkol sa pagpili ng ipapatupad na batas, ay malalapat sa anumang mga di-pagkakasundong nagmumula sa o may kaugnayan sa mga tuntunin na ito o sa Mga Serbisyo. Gayundin, kung hindi ka pahihintulutan ng mga hukuman sa iyong bansa na pumayag sa hurisdiksyon at pagdudulugan ng mga hukuman sa Santa Clara County, California, U.S.A., malalapat sa mga naturang di-pagkakasundong may kaugnayan sa mga tuntunin na ito ang iyong lokal na hurisdiksyon at pagdudulugan. Kung hindi, eksklusibong lilitisin sa mga pederal o pang-estadong hukuman ng Santa Clara County, California, U.S.A. ang lahat ng habol na magmumula sa o may kaugnayan sa mga tuntuning ito o sa mga serbisyo, at nagpapahintulot kayo ng Google sa personal na hurisdiksyon sa mga hukumang iyon.